Hustisya ang panawagan para asong American Bully na si "Axel," na pinagpapalo hanggang sa mapatay ng isang lalaki sa Sandanga, Mountain Province. Ayon sa alkalde ng bayan, sinabi ng suspek na inihain siya ng aso, at mayroon silang masamang paniniwala tungkol dito.
Sa ulat ni Sendee Salvacio ng GMA Regional TV sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, makikita ang nag-viral na video sa Barangay Saclit, nang hatawin ng suspek ng dos-por-dos na kahoy ang aso sa harap ng mga tao.
Nagawa pa ng aso na makalayo pero hinabol pa rin siya ng suspek at muling pinagpapalo hanggang sa mapatay.
Bago ang insidente, sinabi umano ng suspek na inihian siya ng aso.
Kinondena ni Sandanga Mayor Robert Wanawan ang insidente. Pero may paniniwala umano sa kanila na may hatid na kamalasan kapag inihian ng aso.
“May belief kasi kami na pagka (inihian) ka ng aso, may malas o kamatayan. Yung ang belief. Sa galit niya siguro, nagawa yon sa harap ng mga tao,” ayon kay Wanawan.
Sinampahan na ng reklamong may kaugnayan sa animal cruelty ang suspek.
Nais naman ng Animal Kingdom Foundation ang agarang aksyon ng lokal na pamahalaan sa nangyari sa aso.
Ayon sa alkalde, inatasan na niya ang Sangguniang Bayan na gumawa ng ordinansa para tumugon sa mga katulad na insidente.
Sinisikap pa ng GMA Regional TV na makuhanan ng pahayag ang suspek—FRJ GMA Integrated News
