Tinanggal na sa puwesto ang 17 pulis na umano’y nag-inuman sa Christmas party na ginawa sa loob ng kanilang police station sa Eastern Samar. Ang naturang bilang, halos kalahati ng puwersa ng naturang istasyon ng pulisya.
Sinabi ni Police Lieutenant Colonel Analoza Catilogo-Armeza ng Philippine National Police (PNP) Regional Public Information Office sa Eastern Visayas, na ang mga inalis na pulis ay mula sa Dolores Municipal Station.
Nag-viral sa social media ang umano’y naturang walwalan ng mga pulis.
Ayon kay Catilogo-Armeza, ipinagbabawal ang pag-inom ng alak sa loob ng police station.
Kasama sa inalis ang hepe ng police station, pati na ang isang non-uniformed personnel (NUP).
Dahil sa pagkakaalis sa puwesto ng mga pulis, sinabi ni Catilogo-Armeza na magkakaroon ng reassignment sa kanilang mga tauhan upang mapalitan ang mga ito. — Mariel Celine Serquina/FRJ GMA Integrated News

