Natagpuang patay sa tubuhan sa Valencia City, Bukidnon ang 15-anyos na dalagita na ilang araw nang nawawala. Ang biktima, pinugutan at inaalam ng mga awtoridad kung ginahasa.

Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing natagpuan ang biktima sa Barangay Dagat nitong Huwebes, matapos siyang iulat ng pamilya na hindi nakauwi ng bahay noong Enero 6.

Ayon sa pulisya, high school student ang biktima at pauwi na mula sa eskuwehan nang hindi na siya nakauwi ng bahay.

Sinabi ni Police Regional Office-Northern Mindanao (PRO-10) Spokesperson, Police Major Joann Navarro, na nakahiwalay ang ulo ng dalagita sa kaniyang katawan nang matagpuan.

Batay sa mga paunang imbestigasyon, sinasabing karaniwang dumadaan sa naturang lugar ang biktima kapag uuwi ng kanilang bahay mula sa paaralan dakong 4:30 pm.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya para matukoy kung sino ang salarin at kung pinagsamantalahan ang biktima. – FRJ GMA Integrated News