Arestado ang isang pulis matapos niyang mapatay sa pamamaril ang isang babae sa restobar sa Sibulan, Negros Oriental. Ngunit ang suspek, pinagbabaril at napatay din ang mga kabarong humuli sa kaniya, kabilang ang kanilang hepe.

Sa ulat ni JP Soriano sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang mga kaganapan Biyernes ng gabi na nahagip sa CCTV.

Isang babae ang umupo katabi ng ilan pang customer. Ngunit makaraan lang ang ilang saglit, isang customer ang tumayo, naglabas ng baril, at pinaputukan ang babae.

Nasawi ang biktima, na humandusay sa upuan.

Napag-alamang isang tauhan ng Sibulan Police ang lalaking bumaril sa kaniya.

Agad namang nadakip sa restobar ang suspek ng tatlong niyang kabaro. Ngunit habang nasa loob na sila ng sasakyan papuntang estasyon, dito naman pinagbabaril ng suspek ang tatlong humuli sa kaniya, kabilang ang kanilang hepe.

Naiwan sa kalsada ang mga biktima samantalang mabilis na tumakas ang suspek.

Sumuko kalaunan ang suspek sa Tanjay Police Station kung saan siya nakabilanggo ngayon.

Patuloy ang imbestigasyon sa Negros Oriental Police Provincial Office, kabilang ang kung sino ang may-ari ng baril na ginamit ng suspek sa pagpatay sa tatlo niyang kabaro.

Palaisipan pa sa mga awtoridad kung nadisarmahan ang suspek bago siya inaresto sa restobar.

Patuloy ding inaalam ang motibo sa pagbaril niya sa babae.

Siniguro naman ng pulisya na papanagutin ang mga dapat managot.

Samantala, nagpaabot ng pakikiramay ang provincial government ng Negros Oriental sa mga kaanak ng mga nasawi.

Tinitignan nila ang tulong at suportang maaari nilang ibigay sa pamilya ng mga nasawing pulis. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News