Naaresto na ang 29-anyos na suspek sa pagpatay at pagpugot sa isang 15-anyos na babae na nakita ang bangkay sa isang tubohan sa Valencia City, Bukidnon noong Huwebes, dalawang araw matapos siyang iulat ng pamilya na nawawala.
Sa ulat ni James Paolo Yap ng GMA Regional TV sa GMA News Weekend nitong Linggo, sinabing sumuko sa isang tribal leader ang suspek, at dinala siya sa mga awtoridad.
Batay sa naunang ulat, pauwi na ang biktima mula sa paaralan noong Enero 6 pero hindi na siya nakarating sa kaniyang bahay. Hanggang sa nakita ang bangkay ng biktima sa tubohan sa Barangay Dagat, at nakahiwalay ang ulo sa katawan.
Ayon sa pulisya, unang pinuntahan ng barangay tanod ang suspek sa bahay nito pero tumakas. Kinalaunan, nagpunta umano ang suspek sa bahay ng tribal leader para sumuko.
“Hinack niya po itong BPAT natin pero hindi naman siya natamaan, and then nag-hurdle siya sa checkpoint ng ating 98th Infantry Battalion kasi tumatakas po itong POI natin,” ayon kay Police Captain Shiela Joy Jangad, PIO, Bukidnon Police Provincial Office.
Nang madala na sa presinto ang suspek, iniharap siya sa abogado at saka umano umamin sa krimen na kaniyang ginawa.
“Nag-confess siya [na] noong January 6, 2026 ni-rape niya at pinatay ang biktima sa may tubohan sa Sitio Sinait, Barangay Dagat-kidavao sa Valencia, Bukidnon,” sabi pa ni Jangad.
Sa hiwalay na ulat sa GMA Regional TV, sinabi ni City administrator, Atty. Heinz Villanueva, na boluntaryong ginawa ng suspek ang extra-judicial confession sa harap ng abogado, asawa, at mga magulang nito.
Ayon kay Bukidnon Police Provincial Office Director, Police Col. Oliver Navales, nakatulong ang P200,000 reward para matukoy at madakip ang suspek.
Inihayag din ng pulisya na napag-alaman na dati na ring nagkaroon ng kasong pagpatay ang suspek.
Inihahanda na ang kasong isasampa sa suspek na sinusubukan pang makuhanan ng pahayag. – FRJ GMA Integrated News
