Dinakip ng mga awtoridad ang isang 20-anyos na lalaki dahil sa pagkamatay ng kaniyang sanggol na anak na babae matapos niya itong ilagay sa bag sa Cagayan de Oro City.

Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabi ng mga awtoridad na patay na ang sanggol nang datnan nila sa boarding house ng suspek sa Barangay Cugman.

Lumitaw sa imbestigasyon na hiniram ng suspek ang kaniyang anak sa ina nito na nasa Balingasag, Misamis Oriental, para ipakilala raw sa kaniyang mga magulang.

Pero nabahala ang babae at humingi ng tulong sa mga pulis nang hindi na niya makontak ang suspek.

Ayon kay Cagayan de Oro City Police Office (COCPO) Spokesperson, Emilita Simon, nakalagay ang bata sa isang kulay asul na bag kasama ang mga diaper nang matagpuan ang labi nito.

Inihayag ng pulisya na hindi umano alam ng mga magulang ng suspek ang pagkakaroon nito ng anak.

Hinihinala na natakot ang suspek na isang nursing student na baka patigilin siya sa pag-aaral kapag nalaman na nagkaroon na siya ng anak.

Mahaharap ang suspek sa kasong parricide. – FRJ GMA Integrated News