Muling may naitalang nasawi, at hindi bababa sa 12 katao ang nasugatan sa isang motorcycle endurance challenge ngayong taon na isinagawa sa ilang bahagi ng Mindanao.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing kabilang ang ilang menor de edad sa mga nasaktan sa mga aksidenteng kinasangkutan ng mga kasali sa BOSS Ironman Endurance Challenge, na iniimbestigahan na ngayon ng Land Transportation Office.
Nanonood umano sa karera ng mga motorsiklo ang mga menor de edad na nasaktan.
Sa Digos, Davao del Sur, nahuli-cam ang isang tricycle na umangat matapos mabundol sa likuran ng isang humaharurot na motorsiklo.
Sa Talakag, Bukidnon, nabalian ng buto sa paa ang isang delivery rider at humandusay sa daan, kasama ng mga ihahatid sana niyang bulaklak, matapos siyang mabangga ng rider na kasali sa event.
May naitala rin ang LTO ng mga aksidente sa Compostela, Davao de Oro; Capiton, Maguindanao del Norte; Kawit, Kauswagan, Lanao del Norte; Kapatagan, Lanao del Sur; Kabacan, North Cotabato; at Kibawe, Bukidnon.
Sa Picong, Lanao del Sur, isang motorsiklo ang pumailalim sa isang bus.
Ayon sa LTO, nas 1,000 katao ang sumali sa BOSS Ironman Motorcycle Endurance Challenge na ginanap noong January 31 hanggang February 1 sa Mindanao.
Ngayong taon, may layo na 1,288 kilometers ang kailangang lakbayain ng mga kalahok, na nagsimula sa General Santos City at babalik.
Kabilang sa ruta ng karera ang Zamboanga Peninsula, Davao Region, SOCCSKSARGEN, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa Kibawe, Bukidnon, naitala ang nasawi sa endurance challenge ngayon taon..
Ayon kay LTO chief Markus Lacanilao, karamihan sa mga sumali ay reckless, tulad nang hindi pagsunod sa traffic lights, at pagbalewala sa linya bg kalsada.
Sa isang footage, makikita ang paglabag ng mga motorcycle rider sa stop light matapos silang hindi tumigil kahit pula ang ilaw.
Ang isang kalahok, may marshall sa event pero aminado siya na may mga kasali rin na hindi sinusunod ang kanilang alituntunin.
Ayon sa LTO, hindi nakipag-ugnayan sa kanila ang mga event organizer. Ipatatawag niya ang mga ito sa Biyernes para magpaliwanag.
Ipatatawag din ang mga kalahok, lalo na ang mga nasangkot sa aksidente.
Umapela rin ang LTO sa Department of Transportation at Kongreso na suriin ang naturang event.
Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag ang BMW Owners Society of Saferiders (BOSS), na nag-organisa ng event.
Noong 2024, dalawa ang nasawi at isa ang nasugatan sa nangyaring BOSS Ironman Challenge na ginawa sa ilang lalawigan sa Luzon. —FRJ GMA Integrated News
