Isang 45-anyos na lalaki na nahampas ng kadena sa ulo ang nasawi ilang araw matapos maospital sa Mangaldan, Pangasinan.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabi ng pulisya na umawat sa isang gulo ang lalaki noong Huwebes.

Nahampas ng kadena sa ulo ang lalaki kaya siya dinala sa ospital, pero na-discharge din siya kinabukasan.

Mag-uusap na sana ang mga sangkot sa gulo sa barangay hall pero pagkarating doon ng lalaki, hinimatay siya at binawian ng buhay kalaunan.

Patuloy na inaalam kung may kaugnayan ang pagkamatay ng biktima sa paghampas ng kadena sa kaniyang ulo.

Sinusubukan pang kunan ng pahayag ng GMA Regional TV ang kaanak ng biktima at ang nanghampas sa kaniya ng kadena. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News