Nauwi sa suntukan ang liga ng basketball ng mga kabataan sa isang barangay sa Dagupan City, Pangasinan. Ang mga sangkot sa gulo, ‘di na puwedeng maglaro sa kabuuan ng liga.

Sa ulat ni Jasmine Gabriel-Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nangyari ang nahuli-cam na insidente noong gabi ng Pebrero 2.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang dalawang manlalaro mula sa magkabilang team na matindi ang pagbabantay sa isa't  isa. Hanggang sa magkomprontahan ang dalawa at nagsuntukan.

Hindi nagtagal, sumali na rin sa gulo ang ilan pang kabataan mula sa magkabilang team.

Ipinatawag naman ng barangay kinalaunan ang siyam na kabataan na sangkot sa gulo na nasa edad 17 hanggang 18. Ipinatawag din ang kani-kanilang mga magulang.

Ayon kay Jhamel Ryan Cabtbat, SK Chairman ng Barangay Pantal, napagpasiyahan ng mga opisyal na huwag nang payagang maglaro sa kasaluyang liga ang mga kabataan na nasangkot sa gulo.

Dahil din sa insidente, iniutos ng chairman ng barangay na dapat may bantay na tanod at pulis sa tuwing may laro para sa liga. Layunin nito na para maiwasan ang gulo lalo na kung mainit ang laban.

Sinuporthan naman ng mga residente ang naturang hakbang ng barangay chairman. – FRJ GMA Integrated News