Labis ang pighati ng pamilya ni Rose, isang college sophomore sa Tagkawayan, Quezon, nang pumanaw siya noong February 8 dahil sa komplikasyon ng stage 5 chronic kidney disease.
Pero ang pagluluksa nila ay nahaluan ng galit nang madiskubre nila na ang pag-embalsamo kay Rose ay ginawang "content" ng embalsamador at shinare online.
"Napanood ng ama niya, ini-reels pala," sabi ng ina ni Rosa sa ulat ni Mav Gonzales sa 24 Oras Weekend.
Bukod sa walang pahintulot ang content, nakita ang buong katawan at mukha ng dalaga.
"Grabe yung mga comment, ambabastos," ani ng ina.
Na-save ng mga kaibigan ni Rose ang screenshots ng video para magamit na ebidensiya. Dagdag pa ng ina ni Rose, napag-alam nila na hindi pala lisensyado ang embalsamador.
"Hindi ko rin akalain na magiging ganoon ang trato sa kanya. Pinagkatiwala ko kasi ng ayos sa punerarya, hindi ko alam ba't nagkaganoon," sabi ng ina.
Kinompronta ng pamilya ang embaslamador, na umamin sa kanyang ginawa. Nag-deactivate siya ng social media account, pero hindi napigilan ang pagkalat ng video.
Nag-iimbestiga na ang pulisya matapos magsumbong ang pamilya. Hinahanap na ngayon ang embalsamador, at sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang panayam ng punerarya. — BM GMA Integrated News
