Isang lalaki na kumukuha ng video sa mainit na pagtatalo dahil umano sa pagsita sa mapanghing ihian sa isang solar farm sa General Tinio, Nueva Ecija, ang nasawi matapos na mauwi sa pamamaril ang insidente.
Sa ulat ni Jamie Santos sa GMA News 24 Oras Weekend nitong Linggo, sinabing nangyari ang insidente noong gabi ng February 15. Nag-ugat umano ang pagtatalo dahil sa mapanghing amoy sa banyo.
Madidinig sa video ang sunod-sunod na putok ng baril at sumigaw ang kumukuha ng video na: “Tinamaan ako, pre! Tulungan niyo ako, itakbo niyo na ako!”
Nagtamo ng tama ng bala sa sikmura at hita ang biktima na dinala sa General Tinio hospital, at kinalaunan ay inilipat sa isang ospital sa Cabanatuan City kung saan siya binawian ng buhay.
Iniuwi naman ang kaniyang mga labi sa Quezon City at inilibing na nitong Linggo.
Ayon sa pulisya, lumabas sa imbestigasyon na mga installer ng solar panels ang grupo ng biktima, habang mga subcontractor naman solar panel installation ang grupo ng suspek.
“Ang sumugod po dito ay yung grupo po ng biktima. Sila po yung nanita. According sa mga witness, medyo nakaramdam din ng kaunting takot o kaba doon sa side ng suspek, kaya siguro po bumunot na siya ng baril,” ayon kay General Tinio Police Chief Shariel Paulino.
Tumakas ang suspek sakay ng pickup truck, na nakita namang inabandona noong February 16 sa Santa Rosa.
Ayon sa pulisya, reklamong murder ang isinampa nila laban sa suspek na patuloy na hinahanap..— FRJ GMA Integrated News
