Bulto-bultong kamatis na maayos pa ang kondisyon pero hindi na maibenta ang itinapon na lang sa gilid ng kalsada sa Bayombong, Nueva Vizcaya dahil umano sa oversupply. Sa Dagupan City, nasa P10 hanggang P20 na lang ang presyo ng kamatis bawat kilo.
Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabing inihayag ng mga magsasaka na dumami ang mga nagtitinda ng produkto sa Nueva Vizcaya Agricultural Terminal (NVAT).
Dahil maayos pa naman ang kondisyon ng mga itinapon na kamatis sa gilid ng bypass road sa Bonfal East, ilan sa mga ito ang kinuha ng mga residente.
Ayon naman sa sales and marketing officer ng NVAT, ini-report na nila ang insidente sa Department of Agriculture Regional Office para maaksyunan.
Paliwanag nila, hindi naman sobra ang suplay ng kamatis pero wala umanong gaanong nag-aangkat ng produkto mula sa ibang lalawigan dahil panahon din ng anihan ng kamatis sa ibang bahagi ng Central Luzon.
Plano ng NVAT na humingi ng tulong sa mga non-governmental organization na nagsasagawa ng barter trade para ipalit ang mga produktong agricultural sa mga grocery items.
Sa Dagupan city, mula sa dating P260 per kilo noong huling bahagi ng 2025, bumagsak na sa P10 hanggang P20 na lang ang per kilo ang presyo ng kamatis ngayon.
Ikinatuwa naman ito ng mga namimili dahil sa makatitipid sila. Ngunit kahit bagsak na ang presyo, matumal pa rin umano ang bentahan ng kamatis.
Ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura, bumaba na rin ang farm gate price ng kamatis sa Ilocos regional dahil na umano sa oversupply. – FRJ GMA Integrated News
