Naghain ng aplikasyon si Taylor Swift sa United States Patent and Trademark Office para ipa-trademark ang kaniyang boses laban sa mga A.I.-generated deepfake na mga video at audio.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing nagsumite ang American singer-songwriter ng dalawang sound recording ng kaniyang album announcements at isang photo on stage sa United States Patent and Trademark Office.

Batay sa isang trademark attorney, poprotektahan nito ang boses at image ni Taylor mula sa pagdami ng mga deepfake video at audio na gawa ng artificial intelligence.

Nilalayon pa ng hakbang na protektahan ang mga artist mula sa malicious o commercial exploitation o pananamantala.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang publicist ni Taylor sa kasalukuyan.

Nauna nang naghain ng trademark si Hollywood actor Matthew McConaughey para sa kaniyang iconic lines sa 1993 film na “Dazed and Confused.” – Jamil Santos/FRJ GMA News