Isang lalaking 67-anyos na kukuha nasa ng tinatayang P10,000 na cash ayuda na mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Cagayan ang sandaling umalis sa pila para kumain at umihi pero hindi na nakabalik matapos siyang ma-stroke at masawi.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Wilfedo Corpus, residente ng Barangay Anquiray sa Amulung, Cagayan.

Ayon kay Shirley Cielo, kapatid ni Corpus, excited nang araw na iyon ang kaniyang kuya na pumunta sa kapitolyo sa Tuguegarao City kung saan isinagawa ang pamamagi ng ayuda.

Nasa P10,000 sana ang nakatakdang tanggapin ni Corpus sa ilalim ng Emergency Cash Transfer Program ng DSWD pero pumanaw siya bago pa man and takdang oras ng pamamahagi ng ayuda.

Sabi pa ni Cielo, habang nasa pila ay nakaramdam ng gutom at naiihi ang kaniyang kuya kaya nagpaalam ito na saglit na aalis. Subalit hindi na siya nakabalik sa pila para tumanggap ng ayuda dahil isinugod na pala si Corpus sa ospital nang makaranas umano ng stroke at pumanaw.

“Si Kuya nagpaalam sa akin na pupunta sa… iihi. May kasama siyang dalawang lalaki na pumuntang… kumain at umihi. Pero nung katagalan hindi naman siya bumalik sa pila,” ani Cielo.

Sa kabila ng nangyari, ipinagkaloob ng DSWD sa pamilya ni Corpus ang halagang ayuda na dapat sana niyang tatanggapin nang araw na bawian siya ng buhay.

Nagkaloob din ng burial assistance ang DSWD, at nagbigay din ng tulong ang pamahalaang panlalawigan sa naulilang pamilya ni Corpus. – FRJ GMA News