Sugatan at isinugod sa ospital ang isang batang babae na 10-taong-gulang matapos siyang pagsasaksakin at halayin umano ng isang 14-anyos na lalaki sa Arayat, Pampanga.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, makikita sa CCTV footage ang biktima na nagbibisikleta sa Barangay Pararaya, at nakasunod sa kaniya ang binatilyong suspek na nakabisikleta rin.
Maya-maya lang, pumasok sa isang abandonadong bahay ang suspek at sumunod sa kaniya ang biktima.
Hindi na nagtagal, sunod-sunod nang nagpunta ang mga residente sa lugar at lumabas ang biktima na duguan at dinala sa ospital.
Ayon sa mga kaanak ng biktima, nagtamo ng palo ng bote sa ulo ang biktima at mga saksak sa katawan.
Hustisya ang kanilang panawagan sa sinapit ng batang biktima.
Nasa kustodiya na ng barangay ang suspek. – FRJ GMA News
