Nasawi ang isang 27-anyos na angkas na babae sa motorsiklo matapos na mabangga at masagasaan ng isang pampasaherong bus sa Sta. Barbara, Pangasinan. Nangyari umano ang insidente nang mag-overtake ang motorsiklong sinasakyan ng biktima, na babae rin ang rider.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nangyari ang trahedya nitong Miyerkoles ng hapon sa national highway na bahagi ng Barangay Maticmatic.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na nag-overtake umano sa kaliwa ang motorsiklo upang unahan ang jeepney na nasa kanilang harapan.
Sakto namang may paparating na bus at nabangga nito ang motorsiklo. Tumilapon ang angkas na biktima at nagulungan ng bus na dahilan ng kaniyang pagkasawi.
Sugatan at nagpapagaling naman ang rider ng motorsiklo na isa ring babae na kaibigan ng nasawi.
Nagdadalamhati ang kaanak ng biktima at hirap silang tanggapin ang kaniyang sinapit. Inilarawan ng tiyahin na mabait at malambing ang biktima.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang driver ng bus na nasa kustodiya ng pulisya, ayon sa ulat. – FRJ GMA News
