Nasawi ang isang 11-anyos na lalaki matapos siyang makuryente sa idinadaos na foam party sa Banate sa Iloilo nitong Huwebes ng umaga.
Sa ulat ni Kim Salinas sa GMA Regional TV One Western Visayas, sinabing isa pang 25-anyos na lalaki na kasama ng biktima ang nakuryente rin.
Dinala sila sa pagamutan pero binawian ng buhay ang bata kinalaunan.
Batay sa imbestigasyon ng Banate Police, palihim na pumasok ang dalawa sa isang lugar na malapit sa entablado na mayroon umanong harang at bawal pasukin. Posibleng hindi sila napansin ng mga nakatalagang security personnel.
Ayon sa ulat, ang 25-anyos na lalaki ang unang nakatapak sa isang kable na may kuryente. Nang makita ito ng 11-anyos na bata, sinubukan niyang tulungan ang kasama ngunit nakuryente rin siya.
“Maaaring naapakan nila ang open wire. Foam party, maaaring nabasa, na-electrocute sila. Kapag nasa dulo, ang lahat ng boltahe sa ‘yo. Ano na daw siya, nangingitim,” ayon kay Police Lt. Maria Cherry Demarana, Officer-in-charge ng Banate Municipal Police Station.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa insidente upang matukoy kung sino ang maaaring managot. Gayunman, ayon kay Banate Mayor Junjun Gonzales, nakausap na niya ang mga pamilya ng mga biktima at umano’y pumayag ang mga ito na makipag-areglo sa operator ng sound system.
“Nagkakasayahan na kasi. ‘Yun yung pagpasok nila. Hindi naman natin hiningi or alam na makukuryente sila. Istrikto talaga siguro. Kahit ano pang kagustuhan ng tao, huwag nating i-tolerate,” dagdag niya.
Sinubukan pa ng GMA Regional TV One Western Visayas na makakuha ng pahayag mula sa pamilya ng bata, ngunit tumanggi silang magbigay ng panayam, ayon sa ulat. – FRJ GMA News
