Umakyat na sa 10 monghe ang nasawi matapos araruhin ng isang pickup truck na minamaneho ng 11-anyos na lalaki ang isang Buddhist procession sa lalawigan ng Mukdahan sa Thailand, ayon sa mga opisyal nitong Biyernes.
Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing 10 iba pa ang nananatiling nakaratay sa ospital matapos ang aksidente nitong Huwebes. Dalawa sa kanila ang nasa kritikal na kondisyon, habang walo naman ang nagtamo ng iba't ibang pinsala, ayon sa pinakahuling ulat ng Mukdahan Hospital.
Naglalakad sa gilid ng kalsada ang grupo na kinabibilangan ng 35 monghe at limang lay follower (o tagasunod ng Budismo) bilang bahagi ng isang pilgrimage sa lalawigan ng Mukdahan nang araruhin sila ng pickup truck.
Ayon sa pulisya, minamaneho ng bata ang sasakyan matapos kunin nang walang pahintulot ng kaniyang mga magulang.
Limang monghe ang kaagad na nasawi sa lugar ng insidente, habang sa ospital naman binawian ng buhay ang limang iba pa.
Sinabi ni Prayut Ruanthongkam, hepe ng Mukdahan City Police, na hindi pa nakapagbigay ng pahayag ang bata sa pulisya.
Inilipat na ng mga awtoridad ang bata sa pangangasiwa ng child welfare para sa kaukulang pagsusuri, kasama ang kaniyang ina.
Sa ilalim ng batas ng Thailand, walang criminal liability ang mga batang edad 12 pababa.
Patuloy naman ang pagkuha ng pulisya sa salaysay ng mga nakaligtas na monghe bilang bahagi ng kanilang imbestigasyon.
Malaki ang paggalang ng mga Thai sa mga Buddhist monk, na itinuturing na tagapag-ingat at tagapagpasa ng mga aral ni Buddha.
Madalas silang magsagawa ng mga pampublikong prusisyon at karaniwang nakikitang tumatanggap ng limos o kusang-loob na handog mula sa mga mamamayan bilang pagpapakita ng paggalang at suporta.
Ayon sa isang kinatawan ng Wat Roi Phra Phutthabat Phu Manorom, isang templong nasa tuktok ng burol sa Mukdahan, pansamantalang tinanggap ng templo ang mga mongheng nakaligtas at nagpapagaling, pati na rin ang iba pang mga tagasunod na kasama sa prusisyon.— mula sa ulat ng Agence France-Presse/FRJ GMA News
