Nabigo ang Gilas Pilipinas sa kanilang laban sa host team na New Zealand para sa FIBA World Cup Asian Qualifiers sa iskor na 106-102 na inabot ng dalawang overtime nitong Biyernes.
Maagang nagtala ng kalamangan ang Tall Blacks sa iskor na 55-43 sa ikatlong yugto bago nakabawi ang Pilipinas. Nalampasan pa ng Gilas ang New Zealand sa natitirang bahagi ng quarter at nakuha ang 64-63 na abante bago magsimula ang ikaapat na yugto.
Nagpalitan ng puntos ang dalawang koponan sa huling quarter, kung saan hawak ng New Zealand ang 81-79 na kalamangan habang 45 segundo na lamang ang nalalabi sa laro.
Naipasok ni Kevin Quiambao ang isa sa dalawang free throw matapos siyang mabigyan ng unsportsmanlike foul ni Tai Webster, kaya lumiit sa isang puntos ang agwat. Gayunman, nawala ang bola kay Justin Brownlee sa sumunod na opensa ng Gilas.
Naipasok naman ni Shea Ili ang dalawang free throw matapos siyang ma-foul ni Dwight Ramos, dahilan upang muling lumamang ang New Zealand, 83-80. Ngunit sa kasunod na opensa, naipasok ni Juan Gomez de Liaño ang isang napakahalagang three-pointer may 11 segundo pang natitira upang itabla ang laro at maitulak ang overtime. Ito ay matapos pumalya sina Ili at Webster sa kanilang mga pagtatangkang maipanalo ang laban.
Sa pagpapatuloy ng laban, lamang ang New Zealand, 87-85, sa kalagitnaan ng unang overtime bago umiskor si Brownlee ng isang layup at maipasok ni Quiambao ang isa sa dalawang free throw matapos siyang ma-foul ni Jordan Ngatai, na muling nagbigay ng kalamangan sa Gilas.
Bagama't sumablay sa ikalawang free throw, nakabawi si Quiambao sa pamamagitan ng isang floater upang itaas sa 90-87 ang lamang ng Pilipinas. Ngunit sumagot si Reuben Te Rangi ng magkasunod na basket upang maibalik ang abante sa Tall Blacks. Hindi nagtagal, muling tumira si Gomez de Liaño ng isang mahalagang three-pointer upang muling umabante ang Gilas.
Sa mga huling sandali ng unang overtime, na-foul ni Ramos si Ili, na parehong naipasok ang kaniyang dalawang free throw upang muling itabla ang laro at dalhin ito sa ikalawang overtime.
Sa ikalawang overtime, maagang umabante ang New Zealand, 96-93, ngunit tumugon ang Gilas sa pamamagitan ng 7-0 na ratsada na tinapos ng isang three-pointer ni Brownlee upang maagaw ang lamang, 100-96.
Gayunpaman, kapwa naipasok nina Te Rangi at Carlin Davison ang tig-dalawang free throw matapos silang ma-foul nina Quiambao at Chris Newsome, kaya muling nagtabla ang iskor sa 100.
Nagpalitan ng basket sina Sam Mennenga at Quiambao upang manatiling tabla sa 102, bago naipasok ni Mennenga ang isang basket sa ilalim na nagbigay ng huling kalamangan sa New Zealand.
Sa mga nalalabing segundo, kapwa naipasok nina Ngatai at Ili ang tig-isang free throw upang selyuhan ang panalo ng Tall Blacks.
"It would've been nice to be able to come down here and steal a game, it would've been special. The fact that we came as close as we did, obviously it's a huge disappointment," saad ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone.
"We had chances in regulation and both overtimes to win that basketball game, we just came up short. Bottomline was our guys came to play," dagdag niya.
Pinangunahan ni Gomez de Liaño ang Gilas sa naitalang 23 puntos, kabilang ang apat na three-pointer, bukod pa sa anim na rebound, apat na assist, at isang steal. Nag-ambag din si Quiambao ng 23 puntos, tatlong rebound, dalawang assist, at isang steal.
Nag-ambag naman sina Dwight Ramos ng 18 puntos, at 17 puntos kay Carl Tamayo ng 17 puntos. Nilimitahan naman si Brownlee sa limang puntos, ngunit nakapagtala siya ng walong rebound, apat na assist, at tatlong steal.
Pinangunahan ni Te Rangi ang New Zealand na may 22 puntos, habang umiskor si Ili ng 21 puntos.
Sa panalong ito, umangat sa 3-2 ang kartada ng New Zealand, habang bumaba sa 2-3 ang Gilas Pilipinas sa unang yugto ng Asian Qualifiers. Gayunman, nakasiguro na ang Pilipinas ng puwesto sa ikalawang round kasama ang Australia.
Tatapusin ng Gilas Pilipinas ang kampanya nito sa unang round laban sa Australia sa Hulyo 6.
—FRJ GMA News

