Nasawi ang 25-anyos na konsehal ng Bayambang, Pangasinan matapos bumangga ang minamaneho niyang sasakyan sa kongkretong harang ng isang tulay sa San Carlos City noong Miyerkules ng gabi, Hulyo 2, 2026, ayon sa pulisya.

Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing minamaneho ni John Nazer David Junio ang isang multi-purpose vehicle (MPV) sa kalsadang sakop ng Barangay Turac dakong 11:30 pm nang mawalan umano ito ng kontrol sa manibela at bumangga sa harang ng tulay

Ayon sa pulisya, batay sa paunang imbestigasyon, posibleng nakatulog ang biktima habang nagmamaneho. Gayunman, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon sa insidente.

Sinabi ni Police Lt. Col. Lawrence Keith Calub, officer-in-charge ng San Carlos City Police Station, na batay sa skid marks na nakita sa pinangyarihan ng aksidente, lumihis muna ang sasakyan bago ito bumangga sa harang ng tulay.

“Puwedeng nakaidlip kaya nag-swerve siya papuntang kanan. Kitang-kita po sa place of incident na may skid mark. Sa pagkakatingin ko po, skid mark na po ng under chassis. So, sumadsad 'yung under chassis, then doon na tumama,” paliwanag ng opisyal.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga, nagtamo si Junio ng matitinding pinsala sa iba't ibang bahagi ng kaniyang katawan.

Ayon kay San Carlos City Disaster Risk Reduction and Management Officer Geraldine Arenas, agad na rumesponde ang kanilang mga tauhan sa pinangyarihan ng aksidente at isinugod ang biktima sa ospital.

“Tumakbo na agad po 'yung aming staff at responders going sa scene po sa Barangay Turac. Binigyan po siya ng lunas ng mga responder, then tinakbo sa malapit na hospital,” ani Arenas.

Una munang dinala si Junio sa Pangasinan Provincial Hospital sa Barangay Bolingit bago inilipat sa Region 1 Medical Center, kung saan siya kalaunang idineklarang nasawi.

Makikita sa mga larawang inilabas ng mga awtoridad na matinding napinsala ang sasakyan dahil sa aksidente.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang pamilya ng konsehal.

Samantala, nagpaabot ng pakikiramay ang lokal na pamahalaan ng Bayambang at si Mayor Niña Jose-Quiambao sa naulilang pamilya ni Junio. – FRJ GMA News