Isang araw bago ang kaniyang graduation, nasawi ang isang 23-anyos na babaeng college student matapos umanong tumalon mula sa isang umaandar na tricycle sa Balagtas, Bulacan. Pero ang pamilya ng biktima, may pagdududa sa pangyayari.
Sa ulat ni Gabriel Gonzalez sa GTV News "Balitanghali " nitong Lunes, makikita sa CCTV footage na sumakay ang biktima sa isang tricycle dakong 11:00 pm sa Barangay Borol 2nd, Balagtas, Bulacan, noong July 8.
Sa isa pang CCTV footage, madidinig ang malakas na kalabog nang dumaan ang tricycle na sinasakyan ng biktima. Nasundan ito ng pagsigaw ng ibang residente sa lugar.
Pero ang tricycle driver at kasama nitong kapatid, nagtuloy-tuloy lang sa pag-arangkada. Tumigil lang sila nang may humabol sa kanila para ipaalam na nahulog ang kaniyang pasahero.
"Sa halip po na hintuan siya nung driver ng tricycle, and then 'yung... kasama na passenger na isa pa, eh hindi nila hinintuan 'yung biktima natin," ayon kay Balagtas Police Chief Police Major Mark San Pedro.
Kasunod nito, binalikan umano ng driver at kapatid nito ang biktimang walang malay at dinala sa isang klinika. Pero dahil sa kulang ang gamit, inirekomendang dalhin na sa ospital ang babae.
Pero sa halip na magtungo na sa ospital, ayon sa pulisya, dumaan muna ang magkapatid sa isang tanod parang humingi ng tulong. Tumagal umano sila doon ng mahigit walong minuto bago muling umalis.
"Pagdating doon, ni-report sa 'min na tumalon. So tulog 'yung bata, tinatanong ko kung nakainom ba kung papaano ba. Inunat ko yung paa niya, ginigising ko siya sa mukha, 'Ate, ate,' ganoon lang tapos talagang naghihilik lang siya," ayon kay Barangay Borol 2nd Executive Officer Norbert Galvez.
Pero hindi pa rin idiniretso ng driver ang biktima sa ospital, sa halip ay dumaan muna sila sa isang kamag-anak ng babae. Dito na umano sila nagpasyang dalhin na sa pagamutan ang babae.
Pumanaw kinalaunan ang babae dahil sa matindi umanong pagkakabagok dahil sa pagkakahulog mula sa tricycle
"Matagal na panahon nag-aral ang anak ko. Graduation day hindi naka-attend ang anak ko, saan nila nilagay? Sa kabaong? Na dapat ang anak ko masaya na umaakyat dahil sa pagtitiyaga, pagsasakripisyo, paghihirap, lahat," ayon sa ina ng biktima.
Sinabi ng kapatid ng biktima na si Sharvien Paul Claro, plano sana niyang ilibre ang kapatid sa isang steakhouse matapos ang graduation nito.
"Yung kapatid ko sobrang bait niyan. Ngayon, 'yung kapatid ko, 'yung dapat ga-graduate na at aakyat ng stage at kakain sana sila—iti-treat ko sana sila sa isang steakhouse. Biglang nawala 'yung kapatid ko," hinanakit niya.
Nakaharap ng pamilya ng biktima ang driver ng tricycle sa police station pero hindi kumbinsido ang pamilya ng babae na sadyang nahulog sa sasakyan ang kanilang kaanak.
"May something na missing talaga po doon sa story. Sabi nila hindi namalayan. Tinanong ko 'yung nasa loob bakit mo hindi namalayan na nalaglag. Sabi po niya ay napuwing daw po siya at nagpupunas daw po siya ng mata niya kaya daw po hindi niya namalayan na nalaglag," pahayag ng tiyuhin na si JB Jacinto.
"Kine-claim nila na wala silang ginawang masama kay Polen," dagdag niya.
Ayon sa pulisya, patuloy ang imbestigasyon nila sa insidente at tukoy na ang pagkakakilanlan ng driver at kapatid nito na itinuturing suspek.
"Ongoing pa rin po kasi ang aming investigation, subalit identified naman po itong mga suspek. Pine-prepare na po natin yung mga kaukulang papeles. Base na rin po sa desisyon ng parent ng ating biktima, magtutuloy sila ng reklamo laban sa ating mga suspect," ani San Pedro.
Sa isang Facebook, inihayag ng isang suspek na handa silang makipagtulongan sa pamilya ng biktima at iginiit na wala silang masamang ginawa sa babae.
Samanatala, ibinebenta na umano ng driver ang kaniyang tricycle na gamit niya nang mangyari ang insidente.
Sinusubukan pa ng GMA News na makuhanan ng pahayag ang magkapatid.— FRJ GMA News
