Nasawi ang isang Grade 4 pupil na lalaki, isang araw matapos siyang painumin umano ng kaniyang guro ng pampurga habang nasa paaralan sa Trece Martires City, Cavite. Ang mga magulang ng bata, desididong magsampa ng reklamo.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente noong July 2 sa deworming activity sa Hugo Perez Elementary School-Annex sa Trece Martires City.
Ayon kay Rutchie Galero, ina ng nasawing bata na si Rex, walong-taong-gulang, dumaing ang kaniyang ano na masama ang pakiramdam pag-uwi mula sa paaralan noong July 2.
“Nu'ng 11:30, nagsabi na siya sa akin, ‘Mama, half day ako.’ 'Bakit ka magha-half day?' Sabi niya, ‘Nasusuka ako’ kasi uminom daw siya, pinainom daw siya ni Ma’am niya ng pampapurga. Sabi ko, 'Kailan?' ‘Pagkatapos, Mama, ng recess,’” sabi ni Galero.
Kinabukasan, sinabi ni Galero na dinala niya si Rex sa klinika pero inirekomenda na dalhin na ang bata sa ospital dahil sa masama na ang kaniyang kalagayan.
“Pagdating po doon, sunod-sunod na seizure niya hanggang sa 50-50 na siya. In-inject-kan na siya sa ano sa puso niya. Wala na. Pagsampu na raw sabi po ng doktor ‘di na puwedeng anuhin, patay na po siya pagkagabi na. Tinigilan na pong doktor 'yung pagre-revive niya pero lumalaban siya, Ma’am,” sabi ng ginang.
Ayon kay Galero, “Masakit talaga mawalan ng anak.”
Sa death certificate ni Rex, lumabas na septic shock dahil sa central nervous system infection ang sanhi ng kaniyang pagkamatay.
Hinala ng mga magulang ni Rex, nabigyan siya ng sobrang dose ng pampapurga.
“Masakit para sa akin kasi hindi ko naman talaga alam ’yon na papainumin anak ko. Kasi kung alam ko lang po, ’di ko ’yan papainom kasi sobrang lusog ’yan," saad ng ama ng bata na si Leo Mission.
Dapat sanang ililibing si Rex nitong nakaraang Sabado pero ipinagpaliban ito dahil isasailalim sa awtopsiya ang kaniyang mga labi.
Nais din ng pamilya na humingi ng tulong sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa imbestigasyon at masampahan ng reklamo ang responsable sa pagkamatay ng biktima.
Ayon sa ulat, nagtangka ang alkalde na mamagitan upang magkausap ang pamilya ng bata at guro ni Rex.
Sinisikap pa ng GMA News na makuhanan ng panig ang school principal at guro ng bata.
Pero sa isang pahayag ng paaralan at Department Education (DepEd-Cavite) na naka-post sa kanilang Facebook page, nagpahayag sila ng kalungkutan sa sinapit ng mag-aaral.
Nakikipag-ugnayan din umano sila sa mga awtoridad kaugnay ng nangyaring insidente.
DepEd
Sa isang pahayag nitong Lunes, nakiramay ang Department of Education (DepEd) sa pamilya ng mag-aaral at sa komunidad ng paaralan.
Ayon sa DepEd, nagsagawa ang paaralan ng regular na deworming activity noong Hulyo 2, sa pakikipag-ugnayan sa Trece Martires City Health Office.
Matapos ang naturang aktibidad, ilang mag-aaral ang iniulat na nakaranas ng hindi magandang pakiramdam.
Sinabi ng kagawaran na isinugod sa ospital ang isang mag-aaral noong Hulyo 3 matapos itong makaranas ng pagsusuka.
“Based on initial medical findings, the cause of death was linked to an infection that led to septic shock,” ayon sa DepEd.
Idinagdag ng DepEd na masusi itong nakikipag-ugnayan sa health authorities habang isinasagawa ang imbestigasyon, at kasalukuyan ring nire-review ang mga umiiral nitong health and safety protocol.
Hinimok din ng DepEd ang publiko na kunin lamang ang mga beripikadong impormasyon mula sa mga awtoridad sa kalusugan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. — FRJ GMA News
