Patay matapos pagbabarilin sa loob ng sasakyan ang isang 80-anyos na lalaki sa Baliuag, Bulacan. Ang suspek sa krimen na hinihinalang may kaugnayan sa away sa lupa, ang bayaw mismo ng biktima.
Sa ulat ni James Agustin sa GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing nangyari ang krimen sa Barangay Piel nitong Linggo ng umaga.
Ayon sa pulisya, nagtamo ng mga tama ng bala sa dibdib at ulo ang biktima, na residente sa San Luis, Pampanga.
Bago ang krimen, nakita sa CCTV camera ang suspek na sakay sa motorsiklo at nakabuntot sa sasakyan ng biktima. Hindi nakuhanan ng video ang aktuwal na pamamaril.
Ilang oras matapos ang krimen, inaresto ang suspek sa kaniyang bahay sa San Luis, Pampanga.
Nabawi sa kaniya ang motorsiklo na nakuhanan sa CCTV camera, pati na ang kaniyang suot na damit habang minamaneho ang motorsiklo. May nakuha rin sa kaniya na isang baril na may mga bala pero wala siyang naipakitang dokumento.
Hinihina ng mga awtoridad na away sa mana sa lupang sakahan ang ugat ng krimen.
Nakuha umano ng biktima ang titulo ng lupa na nakasangla sa bangko at hindi nito ipinaalam sa ibang kapatid na natubos na niya ang titulo.
Itinanggi naman ng suspek ang paratang laban sa kaniya, at sinabing hiniram lang niya ang baril.
Napag-alaman naman ng pulisya na dati nang naaresto ang suspek para sa kasong frustrated murder at physical injuries. Mahaharap siya ngayon sa kasong murder. – FRJ GMA News
