Ibinasura ng Sandiganbayan Second Division nitong Lunes ang kahilingan na alisin si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, bilang isa sa mga akusado sa kasong graft na isinampa laban sa kaniya at kay Senador Jinggoy Estrada. Kaugnay ito sa umano'y iregularidad sa paggamit ng pondo para sa flood control projects.
Sa 12-pahinang resolusyon, sinabi ng anti-graft court na ibinasura ang kahilingan dahil walang sapat na batayan ang Motion for Leave to File Amended Information na inihain noong Hunyo 29, 2026.
Ayon sa korte, ang pag-aalis kay Bonoan bilang akusado ay labis na maglilimita sa mga depensang maaaring gamitin ni Estrada.
"Accused Bonoan's participation as a co-accused may bear upon the presentation of evidence, the determination of the parties' respective roles and the full ventilation of the issues surrounding the alleged offense," saad sa desisyon.
Gayunman, nilinaw ng Sandiganbayan na hindi nito hinuhusgahan ang posibilidad na maging state witness si Bonoan para sa prosekusyon, gayundin ang kredibilidad o bigat ng anumang testimonya na maaari niyang ibigay sa hinaharap.
Idinagdag pa ng korte na maaari pa ring hilingin ng prosekusyon na gawing state witness si Bonoan sa tamang yugto ng paglilitis, basta't matugunan ang mga rekisito ng batas.
Nauna nang hiniling ng prosekusyon na amyendahan ang criminal information na may petsang Mayo 22, 2026 sa pamamagitan ng pag-aalis kay Bonoan bilang akusado. Layunin nito na makuha ang kaniyang kooperasyon at testimonya sa imbestigasyon at pag-usig sa iba pang sabit sa kaso.
Iginiit din ng prosekusyon na ang pag-alis kay Bonoan bilang akusado ay hindi magbabago sa mga alegasyong bumubuo sa kaso, sa teorya ng prosekusyon, o sa mga depensang maaaring gamitin ni Estrada.
Subalit hindi sinang-ayunan ng mga mahistrado ng Sandiganbayan ang posisyon ng presekusyon.
Ayon sa korte, ganap na magbabago sa mga alegasyon ng prosekusyon laban kay Estrada kapag tinanggal si Bonoan bilang akusado. Iginiit sa desisyon na ang pakikipagsabwatan o conspiracy ang pangunahing batayan ng kaso.
“The offense as charged in the information shows that the alleged collusion among public officials lies at the heart of the present controversy. Prescinding therefrom, the proposed amended information removes the only co-accused and purported conspirator of accused Estrada from the case, thereby modifying the theory of criminal liability from one predicated on conspiracy to one imposing individual liability on the part of accused Estrada,” ayon sa Sandiganbayan.
“Thus, the Court finds that accused Estrada will be prejudiced if the amendment will be allowed at this stage of the proceedings. The exclusion of his co-accused will compel him to prepare a different defense. Instead of focusing on an allegation of collective criminal responsibility, accused Estrada will confront a different theory that focuses exclusively on his personal acts and omissions,” dagdag ng Sandiganbayan. —Llanesca T. Panti/FRJ GMA News

