Nahuli-cam sa Pontevedra, Capiz ngayong Huwebes, Agosto 13, 2026 ang tatlong beses na pagbangga ng isang tricycle sa tatlong sasakyan. Sugatan ang apat na sakay ng tricycle, kabilang ang isang bata.
Sa CCTV footage, makikita na binabagtas ng tricycle na may apat na sakay ang highway sa Barangay Binuntucan dakong 8:00 am kanina nang mabangga ito mula sa likuran ng isang SUV na nakasunod sa kaniya.
Dahil sa pagkakabangga, napunta ang tricycle sa kabilang bahagi ng highway at nabangga naman siya ng nakasalubong na kotse.
Sunod na nakabangga sa tricycle ang isang pickup truck na kasunod ng kotse.
Pahayag ng driver ng SUV na unang nakabangga sa tricycle, hindi umano niya napansin ang tricycle na nasa kaniyang harapan.
Sugatan at dinala na sa ospital ang driver ng tricycle pati na ang tatlo nitong pasahero, kabilang ang isang 4-taong-gulang na bata.
– FRJ GMA News

