Bangkay na nang matagpuan ang isa sa apat na kabataan na nawala matapos maligo sa isang ilog sa kasagsagan ng ulan sa San Jose del Monte, Bulacan noong Lunes.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Huwebes, kinilala ang natagpuang biktima na si John Norbert Nipay, 17-anyos, taga-Barangay Santo Cristo.

Nakita ang kaniyang katawan 5:30 p.m. nitong Miyerkoles sa mababaw na parte ng ilog na sakop ng Barangay Parada sa bayan ng Santa Maria.

Positibong kinilala ang binatilyo ng pamilya dahil sa suot niyang bracelet.

Nagpapatuloy naman ang paghahanap sa 13-anyos na si Ronjean Alseco, na taga Barangay Gaya-Gaya, San Jose del Monte, at dalawa pang taga-Caloocan na sina Mark Ivan Herona, at Raizen Karl delos Reyes. – Jamil Santos/FRJ GMA News