Sa tala ng Office of the Solicitor General, umabot umano sa 11,135 ang annulment cases na naitala noong 2014.  Sa programang "Bawal Ang Pasaway kay Mareng Winnie," ipinaliwanag ng isang batikang abogado kung magkano ang gagastusin sa annulment case at gaano tumatagal ang proseso sa pagdinig nito.

Ang annulment ay ang proseso ng pagpapawalang-bisa sa kasal ng isang mag-asawa. Marami ang nagsasabi na mahaba at magastos ang proseso, na iniuugnay naman ng ilan kung bakit nababawasan na ang mga nagpapakasal sa bansa.

Batay sa listahan ng Philippine Statistics Authory, sinabing bumaba ang bilang ng mga nagpapakasal na mula sa 492,666 noong 2006 ay naging 414,325 noong 2015.

Ayon kay Atty. Raymund Fortun, aabot sa P450,000.00 ang gastos sa hahawakan niyang annulment case kung hindi kokontra o hindi lalaban ang kabilang panig.

Gayunman, posible umanong umabot sa "seven figures" ang gastos kapag hindi simple ang kaso.

Ipinaliwanag din ng abogado na tumatagal ng mula isang taon at dalawang buwan, hanggang sa tatlong taon ang pagdinig sa kaso ng annulment.

Ipinaliwanag din nina Fortun at Asliyah Limbona, chair ng Pro-Divorce PH, na maaaring maging balakid din sa annulment case ang Office of the Solicitor General, na may mandato na pangalagaan ang kasagraduhan ng kasal.

Panoorin ang buong paliwanagan at talakayan tungkol sa annulment at diborsiyo sa "Bawal Ang Pasaway Ni Mareng Winnie:"

Hati rin ang reaksyon ng mga Pilipino pagdating sa posibilidad ng pagkakaroon ng divorce sa bansa. Pero ano nga ba ang kaibahan ng annulment at divorce?

Click here for more GMA Public Affairs videos:

-- FRJ/KVD, GMA News