Sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong Agosto, pamilyar pa kaya ang mga kabataan sa ating pambansang wika?

Sa ulat ng "Unang Balita," nagsagawa ang GMA News ng isang social experiment para alamin kung gaano katatas ang ilang estudyante sa mga salitang Filipino tulad ng kahel, pulo, pulut-pukyutan at tamaraw.

Inihayag ni John Kelvin Briones, Senior Education Program Specialist ng DepEd, na lumabas sa resulta ng National Achievement Test ang pagbaba sa kaalaman ng ilang mag-aaral sa sariling wika.

"Kung titingnan mo yung data ng National Achievement Test from 2013 to 2015 dahil 'yun pa lamang ang available, makikita mo na mayroong konting decline sa performance, particularly sa secondary level natin. That's grade 7 to 10."

"Ayon sa resulta ng NAT, may mga 'least mastered skills' na tinatawag kasi may mga competencies na maaaring hindi nade-develop pa. Patuloy namang ina-identify ng Department of Education kung paano ma-a-address 'yung mga ganu'n," pagpapatuloy pa ni Briones.

Ayon pa sa Department of Education, mas pinaigting nila ang korikulum sa asignaturang Filipino sa pamamagitan ng malalim na pagtuturo ng wikang Filipino, bukod sa mga aktibidad kaugnay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika.

Ipinaalala ng DepEd na bukod sa mga guro, responsibilidad ng bawat pamilya na ituro sa kabataan ang pagpapahalaga sa wikang Filipino. -- Jamil Santos/FRJ/KVD,GMA News