Kilala ang kalye Adriatico sa Maynila na lugar kung saan makikita ang mga restaurant at bar. Pero alam ba ninyo na dating "Dakota" ang pangalan ng kalyeng ito na pinalitan noong 1964.

Sa pamamagitan ng ipinasang resolusyon ng Konseho ng Maynila noong 1964, pinalitan ang pangalan ng kalye Dakota sa Maynila bilang Macario Adriatico, na siyang itinuturing "Father of Manila Charter." 

Si Adriatico na isinilang sa Mindoro noong March 10, 1869, ay isang abogado, mambabatas, manunulat, at mamamahayag.

Kilala rin siya sa kaniyang pagiging makabayan na nakipaglaban para sa kalayaan ng bansa sa kamay ng mga mananakop ng Kastila at maging ng Amerika.

Taong 1904 nang pasukin niya ang pulitika at naging kinatawan ng Mindoro sa kauna-unahang Philippine Assembly noong 1907 kung saan isinulong niya ang Manila City Charter.

Bago pumanaw noong April 14, 1919, naitalaga pa siya bilang kauna-unahang Filipino director ng Philippine Library and Museum. -- FRJ, GMA News