Ngayong kapaskuhan, hindi maiiwasan na may mga nagtitinda ng mga produktong maaaring expired at repacked na, at mga wala pang expiration date. Alamin ang mga paglabag sa batas ng mga gumagawa ng ganitong bagay.
Sa "Kapuso sa Batas" segment sa "Unang Hirit" nitong Martes, sinabi ni GMA News resident lawyer Gaby Concepcion na "label should be correct, accurate and legible."
Nakasaad daw sa Republic Act 3720 na required ang labeling sa mga produkto, at kailangan ang mga mahahalagang detalye tulad ng product name, ingredients, net content, weight, manufacturer, importer, distributor at expiry date.
Ayon pa kay Atty. Gaby, mas pinapagamit ng Food and Drug Administration ang mga terminong "expiry date," "consume before" o "use before" kaysa sa "best before" dahil ang terminong "best before" daw ay nagpapahiwatig na maaari pang kainin o gamitin ang isang produkto matapos ang nakasaad na petsa. Aniya, delikado raw ito sa kalusugan ng tao.
Pahayag ni Atty. Gaby, maaaring makulong ng anim na buwan hanggang limang taon ang mga taong nagbebenta ng mga produktong "adulterated" o mga produktong lagpas na sa expiry date.
Pagdating naman sa mga nagbebenta ng labeling na hindi malinaw, maaari silang makulong ng hindi bababa sa isang taon pero hindi lalagpas sa limang taon, batay na rin sa Republic Act 7394 o "The Consumer Act of the Philippines." Maaari rin silang pagmultahin ng hindi bababa sa P5,000 pero hindi lalagpas sa P10,000, depende sa desisyon ng korte.
Ipinagbabawal din daw ang pagbebenta ng tingi dahil hindi ito nagbibigay ng impormasyon sa mamimili kung sino ang gumawa ng produkto, saan nanggaling at ano ang ingredients.
Alamin sa video ang mga maaaring gawing aksyon laban sa mga nagbebenta ng mga expired na produkto, lalo na kung ang isang tao ay nagkasakit o naospital dahil sa kaniyang nakain na expired product. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News
