Ang pagsalubong sa Bagong Taon ang panahon ng kasiyahan na idinadaan sa ingay at nagpapaputok. Pero dapat laging isaalang-alang ang kaligtasan para maging mas maganda ang pagsalubong sa 2018.

Sa segment na "Make No Mistake" ng programang "Mars, " nagbigay ng ilang tips si Louie Domingo ng Emergency Management Center kung paano ligtas na sasalubungin ang Bagong Taon

Kabilang dito ang pagsusuot ng safety glasses para proteksyon ang mga mata mula sa mga bagay na titilapon mula sa mga paputok.

Sakaling may bagay o debris na pumasok sa mata, banlawan ng malinis na tubig.

Pagdating naman sa taenga, maglagay din ng ear plugs kung may magpapaputok ng malakas na firecracker.

Pinapayo rin niya na magsuot ng long sleeves na damit. Mas mabuti raw ang tela na gawa sa cotton dahil "powderized" ito na hindi didikit sa balat na makakapaso kapag nasunog.

Maghanda rin ng first aid kit sakaling magkaroon ng burns o sugat, pati na rin ang fire extinguisher para sa mga hindi inaasahang sunog.

Kung magsisindi ng mga paputok na nasa sahig tulad ng fountain, gumamit ng mahabang stick na may katol sa dulo. Ang haba nito ay dapat na "more than arm lengths away."

Huwag na ring magpaputok kung "intoxicated" o nakainom.

Hindi na rin dapat pulutin at muling sindihan ang mga hindi pumutok na paputok. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News