Kaugnay ng implementasyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law, may mga pangamba na baka tumaas ang presyo ng mga bilihin. Pero may babala ang Department of Trade and Industry sa mga tindahan na magsasamantala sa ipatutupad na reporma sa pagbubuwis.

Bagaman ipinatutupad na ang Train law, sinabing maaaring hindi pa magtataas ng "Suggested Retail Price" o SRP ang DTI lalo na sa mga produkto na hindi naman malaki ang magiging paggalaw sa halaga.

Ayon kay Attorney Gaby Concepcion sa "Kapuso sa Batas" sa Unang Hirit,  dati nang sinabi ni DTI Secretary Ramon Lopez na maaaring kasuhan ang mga tindahan o ang mga negosyante na magtataas ng presyo na sobra-sobra sa SRP, lalo na't hindi pa nagkakaroon ng impact sa presyo ang bagong buwis.

Maaaring kaharapin ng mga negosyong ito ang kasong "profiteering" sa ilalim ng Price Act, o ang pagbebenta ng basic o prime commodity na sobra-sobra sa SRP.

Sinabing may "prima facie" na kaso ng profiteering kung halimbawang lumagpas sa 10% ang taas ng presyo ng isang produkto mula sa nakaraang buwan.

May P20,000 hanggang P1 milyon na multa at maaaring makulong hanggang 15 taon ang isang may kaso ng profiteering.

Ayon pa kay Attorney Gaby, maaari umanong pakialaman ng pamahalaan sa pamamagitan ng DTI ang mga presyo ng basic commodities tulad ng bigas, mais, tinapay, isda, baboy, karne, mantika, sabong panlaba; at ang prime commodities tulad ng arina, canned foods, patis, suka, school supplies at iba pa.

Sinabi ni Attorney Gaby na ang SRP ay suhestiyon lamang at magsisilbing "guide" para sa mga consumer at retailers para malaman nila kung "overpriced" ang mga produkto.

Ang DTI ang naglalagay ng palugid na tubo na dapat tama lang para sa nagbebenta.

Maaari umanong isumbong ng mga mamimili sa DTI ang mga tindahan na sobrang taas ang ipapatong sa presyo ng kanilang produkto sa numerong 751-3233 o 751-0384.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News