Nagbabala ang mga dalubhasa sa seryosong peligro kapag pinigil ang pagbahing dahil makagagasgas ito ng lalamunan, makasisira ng ear drum, at posible pang maging dahilan ng pagputok ng ugat sa utak, batay umano sa pag-aaral.

Kamakailan lang, isang 34-taong-gulang na lalaki umano ang nagtungo sa isang emergency service sa isang ospital sa Leicester, England, na namamaga ang leeg at nakararamdam ng matinding sakit.

"The patient described a popping sensation in his neck after he tried to halt a sneeze by pinching the nose and holding his mouth closed," ayon sa mga doktor sa isang pag-aaral  na inilabas ng medical journal BMJ Case Reports.

Nakumpirma sa CAT scan ang hinala ng mga doktor nang makita rito na gasgas at napunit ang likuran ng lalamunan ng lalaki dahil sa puwersa ng pagpigil sa kaniyang pagbahing.

Habang nasa ospital ang lalaki, halos hindi umano ito nakalunok o nakapagsalita, at pinapakain gamit ang tube. Binigyan din siya ng mga intravenous antibiotics hanggang sa mawala ang pamamaga at pananakit ng lalamunan.

Nakalabas siya ng ospital pagkaraan ng isang linggo.

"Halting sneezing via blocking the nostrils and mouth is a dangerous maneuver, and should be avoided," sabi ng mga doktor.

Sa mga pambihirang kaso, humahantong ang pagpigil sa pagbahing para maipit ang hangin sa pagitan ng mga baga, "and even rupture of a cerebral aneurysm," na nagpapalobo sa blood vessel ng utak, ipinaliwanag pa nila. -- Agence France-Presse/Jamil Santos/FRJ, GMA News