Sa Pilipinas, 140/90 ang sinusunod na pamantayan ng mga doktor pagdating sa high blood pressure.  Pero nitong nakaraang taon, naglabas ang Amerika ng kanilang bagong guideline sa high blood pressure na ibinaba nila sa 130/80, batay sa resulta ng isinagawa nilang pag-aaral.

Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho," sinabing nakaka-relate ang maraming Pinoy kapag high blood pressure o hypertension ang pinag-uusapan.

Batay sa datos ng Department of Health, nasa 12 milyong Pilipino ang high blood.

Ang sobrang taas ng blood pressure ay itinuturing "silent killer" dahil kabilang ito sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga Pinoy.

Dahil dito, mahalaga umanong malaman at maisaayos ang pamantayang tumutukoy kung hypertensive o high blood ang isang tao.

Ang normal na blood pressure sa mga Pinoy ay 120/80. Kapag umabot sa 140/90 ang presyon ng dugo,  itinuturing na itong high blood, base sa konsultasyon ng iba't ibang eksperto sa hypertension.

"Nag-meeting kami, Philippine Society of Hypertension, tapos Philippine Heart Association, kinuha rin namin 'yung perspective ng Nephrologists, kinuha rin namin 'yung perspective ng Neurologists, so ang mga lumabas sa pinagmi-meetingan, ang hypertensive pa rin is 140/90 and above at hindi 130/80," sabi ni Dra. Maro Bunyi, chairperson, Hypertension Council of Philippine Heart Association.

"Because practically, lahat ng studies, lahat ng researches sa hypertension, ang entry blood pressure is 140/90," dagdag pa niya.

Sa ginawang pag-aaral sa Amerika na basehan para ibaba nila sa 130/80 noong nakaraang taon, sinasabing 98 porsiyento na ginamit na "research subject" ng American College of Cardiology at American Heart Association ay mga Caucasian-Americans at dalawang porsiyento lang ang mga Asyano.

Ngunit ayon sa Philippine Heart Association, wala naman daw dapat pinagkaiba sa mga Pilipino sa naging resulta ng pag-aaral.

Katunayan, nanggaling din naman umano sa ibang bansa ang ginagamit na pamantayan ng Pilipinas sa high blood pressure.

Ngunit hindi umano maaaring basta-basta maibababa ang benchmark para maituring na hypertensive dahil maraming tinatawag na "risk factors" na dapat tingnan.

"Marami kasing implication 'yung ibinabang classification. Kunwari 130/80. 'Yung prevalence rate tataas... tumataas din 'yung absenteeism sa trabaho, tumataas ang cost ng medical care. 'Yung marital satisfaction daw mamaya mababawasan," paliwanag ni Bunyi.

Ang kailangan umano ay magsagawa ng sariling pag-aaral ang mga Pinoy pero kulang pa raw sa pondo sa ngayon.

Ang cardiologist na si Dr. Joey Montemayor, naniniwala na mas makabubuti kung susundin na rin sa Pilipinas ang bagong guideline ng America sa mas mababang sukat ng high blood pressure.

Kumpara sa Amerika na nakapagsagawa ng mas bagong pag-aaral, ang Pilipinas, luma na umano ang sinusunod na pamantayan pagdating sa high blood na mula pa umano noong 2003.

"We cannot just ignore the research in Europe and United States especially when they set the criteria," ani Montemayor. "If we hesitate treating hypertension o blood pressure of 130 over 85 or over 87, 88, then the patient may symptoms na then there will be no caution or warning for the Filipinos."

Sinabi ng mga doktor na magandang pinag-uusapan ang naturang paksa dahil nagiging mas bukas umano ang kamalayan ng mga Pinoy sa hypertension.

Bagaman pinag-aaralan pa kung susundin ang bagong guideline ng Amerika sa high blood pressure, nagkakasundo naman ang mga doktor na dapat hindi ipagsawalang-bahala ng mga Pinoy ang kanilang blood pressure.

Maliban sa dapat magpatingin sa doktor, mas makabubuti umanong magkaroon ng gamit ang mga Pinoy sa bahay para masubaybayan ang kanilang blood pressure, o kahit saan man lugar sila magpunta.

Bukod dito, ipinapayo rin ng mga doktor na baguhin ang lifestyle, mag-ehersisyo at kumain nang tama.-- FRJ, GMA News