Ayon sa Philippine Statistics Authority, pampito ang sakit sa kidney o bato sa mga sakit na sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino, dahil na rin sa madalas na pagkain ng karne, asin o matatamis. Ngunit may tamang sukat kada araw ang pagkonsumo sa mga ito para makaiwas ang tao sa sakit sa bato.
Sa programang "Investigative Documentaries," sinabi ni Marie Grace Casas, dietitian, na nakaka-develop ng water retention ang sodium na puwedeng makaapekto sa heart at maaaring makasira sa kidney.
Kaya naman hindi dapat tataas sa dalawang gramo o dalawang kutsarita ang asin na maaaring ipasok sa katawan kada araw.
Halimbawa, ang burger ay may 0.44 grams na asin, ang fries ay may 0.21 grams, ang tsitsirya ay 0.43 grams na kung susumahin, 1.08 gramo na ng asin.
Ang asukal naman, isa hanggang dalawang gramo lang dapat kada araw. Kaya sobra na ang regular na soft drinks, na may siyam na gramo ng asukal.
Para maiwasan ang UTI o kidney stone, mahalaga ring ang pag-inom ng tubig na hindi bababa sa walong baso o dalawang litro sa loob ng isang araw.
Pagdating sa karne, dapat ay tatlong pirasong kasukat lang ng posporo o 90 grams ang kinakain kada oras ng pagkain.
Mainam din na umiwas sa mga pagkaing maraming preservatives tulad ng instant food o delata.
Ayon sa Department of Health, 300% ang posibilidad ng mga taong maaaring magkasakit sa bato dahil sa pagpapabaya sa pagkain. —Jamil Santos/LBG, GMA News
