Sa tulong ng "DNA testing," nalaman ni Ryan Mendoza kung sino kina Gina Castillo at Maritess Tolentino ang tunay niyang ina. Papaano nga ba ito ginagawa at magkano ang halaga? Alamin.
Ang DNA (deoxyribonucleic acid) testing ay isang prosesong isinasagawa para malaman kung magkatugma ang ilang mga napiling parte ng genetic material ng mga taong isasailalim sa pagsusuri, upang malaman kung magkadugo o magkaanak sila.
Sanggol pa noon si Mendoza nang ipaampon siya at dinala sa Italy. Ngayong 35-anyos na, malaman niyang na ampon lang siya kaya bumalik siya sa Pilipinas para hanapin ang kaniyang tunay na ina.
Sa tulong ng programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," hindi nabigo si Mendoza at nayakap na niya ang kaniyang tunay na ina na si Tolentino matapos na lumabas ang resulta ng DNA test.
'KMJS': Si Marites o si Gina?: Alamin kung sino ang tunay na ina ni Ryan Mendoza
Si Mendoza ang pinakabagong natulungan ng "KMJS" para mahanap ang kanilang nawalay na mahal sa buhay.
WATCH: Balikan ang mga pamilyang nagkawalay at muling nagkatagpo sa 'KMJS'
Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabi ni Jaime Lazatin, may-ari ng DNA Diagnostic Center sa Quezon City, nagkakahalaga ng P15,000 ang kanilang singil DNA test kung para sa sa "personal use."
Kasama na umano sa bayad ang test para sa tatay o nanay at anak.
Mas mahal umano ang singil kapag gagamitin sa korte ang DNA test na nagkakahalaga ng P27,500 dahil mas mahigpit ang proseso at mas maraming papeles ang inihahanda
Sampung taon na umanong nag-aalok ng DNA test ang kanilang kompanya at umaabot sa 60 hanggang 70 ang kanilang nagiging kliyente kada buwan.
Ayon pa kay Lazatin, simple lang ang pagkuha ng DNA sample tulad ng pagkuha ng likido sa bibig.
"The kit has 3 sets of swabs. So that's for the father, mother and child. Ang laman ng swab, it's like an ordinary cotton bud na isa lang ang dulo. So you just brush it inside the cheeks," paliwanag niya.
Bukod dito, maaari ding kumuha ng DNA sample sa pamamagitan ng kuko o buhok na may ugat, lalo na kung bata ang kukunan ng sample o mga tao na hindi mo nais masaktan ang damdamin.
"You can use nail clippings. Puwede rin 'yung used cotton buds. Yyung hair with roots, kailangan may roots. Puwede rin ang toothbrush, blood stain," paliwanag ni Lazatin.
Kapag nakuha na ang DNA sample, ipadadala ito sa laboratoryo sa ibang bansa at maghihintay ng ilang linggo para sa resulta.
Maaari din umanong ipa-DNA test ang bata kahit nasa sinapupunan pa.
"It's called non invasive pre-natal test. Puwede siyang gawin from the 9th week of pregnancy onwards. Kukuha kami ng blood from the mother and then mouth swabs from the father," dagdag ni Lazatin. — FRJ, GMA News
