Maraming magulang ang nababahala na pagamitin ng mga gadget ang kanilang mga batang anak sa takot na mahumaling o ma-adik. Sa programang "Mars," pinag-usapan kung ano nga ba ang edad ng bata para payagang gumamit ng gadgets at gaano katagal.
READ: Sobrang gamit ng 'gadget,' hinihinalang dahilan ng 'seizure' ng isang bata
WATCH: Labis na paggamit ng gadgets, may masamang epekto raw sa kalusugan lalo na sa bata
Maliban sa takot na maadik ang mga bata sa gadgets, kasamang pinapangambahan ng mga magulang na baka lumabo ang paningin ng mga anak kapag maagang gumamit ng gadgets.
Ayon sa sa optometrist na si Dr. Gale Bianca Sioco, makabubuting na huwag munang pagamitin ng gadgets ang mga bata na wala pang isang taon ang edad.
Ang mga may edad dalawa naman pataas, dapat ding nililimitahan ang oras ng paggamit ng gadgets.
Inirekomenda rin ni Dr. Sioco na hanggang dalawang oras lang ang puwede para sa mga may edad anim pataas.
Bagaman may mga pangamba sa negatibong epekto ng gadgets, hindi naman inaalis ng aktres na si Janna Dominguez, na may mabuti ring naidudulot ang bagong teknolohiya.
Ang anak niyang anim na taong gulang, nagsimula raw gumamit ng gadget noon bago mag-isang taong gulang. Hindi niya masabi kung ito ang dahilan kaya maaagang magsalita ang kaniyang anak sa edad na 11-buwang-gulang pa lang.
"Hindi ko naman sinasabi na dahil sa gadget pero para sa akin nakatulong siya kasi first word niya nga, 'cactus.' 'Yung ganu'n. Kumbaga hindi usual, tinry ko kasi 'yung flash cards, siyempre nag-ganu'n pa rin naman ako," ayon kay Janna.
Ngunit isang oras lang daw na gumagamit ng gadgets ang kaniyang anak.
Ang "Mars" host na si Camille Prats, may ipinatutupad umanong limitasyon sa oras na paggamit ng gadgets at naka-timer.
Mas gusto rin niya na maglaan ng mas maraming oras ang kaniyang anak sa paglalaro ng ibang bagay kaysa sa gadgets.
Samantala, inilahad ni Dr. Sioco ang mga palatandaan kung may problema na ang isang bata sa kaniyang paningin, at ang mga posibleng gamitin para maprotektahan ang mga mata sa blue light na nagmumula sa mga gadget. Panoorin ang buo nilang talakayan.
Video courtesy of GMANetwork.com-Entertainment
-- FRJ, GMA News
