Iniuugnay ito sa pagiging makakalimutin at problema sa pag-iisip, sinabing mas laganap ngayon ang dementia, kung saan sinasabing isang tao ang nagkakaroon nito kada tatlong segundo sa buong mundo. Ano nga ba ang mga sanhi nito at maaari ba itong maiwasan?
Sa programang "Mars," ipinaliwanag ni Dr. Alejandro Diaz, Associate Professor of Department of Neurosciences and Behavioral Medicine, na ang dementia ay ang "umbrella" term para sa pagiging makakalimutin, pagkawala ng abilidad para sa critical thinking, strategic planning, decision-making at problem solving.
Ang mga sakit na nasa ilalim na ito ay ang Alzheimer's disease, frontotemporal dementia at vascular dementia na may kaugnayan sa hypertension at diabetes.
Sinabi ni Dr. Diaz na madalas na raw sa iGeneration, kabilang ang mga millennial, ang pagiging makakalimutin dahil sa cellphones o smartphones, lalo't walang pagkakataon para sa utak na mag-focus.
Kaya naman inirerekomenda na pagkatapos mag-multi-task, kailangang ipahinga ang utak para maalis ang brain fatigue. Isang paraan nito ang pagbabakasyon.
Para maiwasan ang pagkakaroon ng dementia, mahalaga umano ang epektibong diet para mahinto ang hypertension, tulad ng Mediterranean diet o low-salt diet.
Mahalaga rin ang insulin-friendly carbohydrates kaya hangga't maaari, kumain ng low glycemic na mga pagkain.
Importante rin ang active lifestyle tulad ng paglalakad ng 10 minuto araw-araw, at matuto ng mga bagong bagay at gawain.
Binanggit ni Diaz ang isang pag-aaral sa Canada na hindi raw fat ang nakakapahamak kung hindi ang sugar. Panoorin ang buo nilang talakayan.
Video courtesy of GMANetwork.com-Entertainment
-- FRJ, GMA News
