Ngayong 2019, maaaring maging target ang makaipon ng pera sa pamamagitan ng tinatawag na "Ipon Challenge" na maaaring umabot sa halos P70,000 pagkatapos ng taon.
Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ang isang listahan na maaaring maging gabay sa pag-iipon para magkaroon ng halos P70,000 sa loob ng isang taon.
Ang sistemang "52-week money challenge" ang ginawa umano ng financial consultant na si Don Crisostomo na 2017 nang una niyang sundin.
"Actually, mahirap siya. Mas mahirap siya sa yung shading. Mayroon din yung tinatawag na 'invisible 50.' Mahirap siya kasi pataas," pag-amin ni Crisostomo. "Kunyari at the second quarter or third quarter kasi malaki na yung kakailanganin na amount of money that you need to save."
Nakuha daw ni Crisostomo ang ideya ng "52-week money challenge" sa kaibigan niyang si Rhea Haguisan na sinimulan naman daw gawin noong 2014.
Kuwento ni Haguisan, nakuha niya ang konsepto ng naturang paraan ng pag-iipon sa isang site sa Amerika kung saan ang challenge ay mag-ipon ng pera kada linggo.
Nagsimula raw siya sa paghuhulog saP50 bawat linggo hanggang sa palaki na nang palaki. Aminado rin siya na mahirap sa umpisa at kailangan may mga kailangang isakripisyo para makatipid at nang may maihulog sa alkansiya.
Batay sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas, 1 sa 3 household sa Pilipinas ang may ipon ngayong 4th quarter ng 2018. At ang karaniwan daw pinag-iipunan ng mga Pinoy ay para sa mga emergency, edukasyon, retirement, pambili ng real estate o bilang kapital sa negosyo.
Gayunman, kapuna-puna umano na 46 porsiyento ng mga Pinoy ay sa bahay itinatago ang ipon sa halip na sa bangko.
Hindi naman daw kailangan na magsimula sa malakihan ang pag-iipon dahil puwede rin naman itong simula sa paunti-unti o pabarya-barya. -- FRJ, GMA News
