May pera ka bang nasira dahil nadilaan ng apoy, o kaya naman ay aksidenteng napunit, binaha, nalabhan o nadumihan, huwag basta-basta itatapon ang mga iyan baka puwede pang mapapalitan sa bangko. Alamin kung papaano ito gagawin at bakit hindi dapat ini-stapler ang perang papel.

Matagal nang ipinapatupad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang kanilang Clean Note Policy na tungkol sa mga perang "unfit for circulation" pero puwede pang papalitan.

Sa programang "Mars," ipinaliwanag ni Grace Malic, Deputy Director For the Currency Issue and Integrity Office ng BSP, na ang mga pera o baryang "unfit for circulation" ay may halaga pa rin kahit may sira na.

Halimbawa nang mga perang "unfit for circulation" ay mga baryang nasunog, at mga perang papel na wala na ang "horizontal position," "faded" at may dumi na.

Kasama rin dito ang mga perang sira-sira, nakain ng anay o lumubog sa tubig.

Hinihikayat ni Malic na magtungo sa mga bangko o Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at papalitan ang mga perang ito.

Para sa mga papel, kailangan lamang na 60% ng surface area ay nakikita pa, mababasa pa ang pirma at nandoon pa ang security thread.

Inihayag ni Malic na ang tahasang pagsira sa pera ay labag sa Presidential Decree 247 ay may kaparusahang hindi hihigit sa P20,000 o limang taong pagkakakulong.

"Hindi po dapat nagsusulat. Hindi nagsusulat sa pera, hindi pinupunit ang pera, hindi sinisira ang pera," ayon kay Malic.

Pinagbawalan din ni Malic ang publiko na gumamit ng stapler sa perang papel dahil sanhi din ito ng pagkasira.-- FRJ, GMA News