Tumigil sa pag-aaral noong 2011, nagpaka-"bum" na lamang si Ariane Banad sa bahay dahil sa takot niya sa mga job interviews, kasabay nito ang wala sa oras at madalas niyang pagkain. Umabot na sa 200 lbs, napagtanto niyang may kailangan siyang gawin sa patuloy niyang paglobo.

Sa programang Pinoy MD, ikinuwento ni Ariane na sinubukan niya na rin ang maling diet, kung saan pinalitan niya ang kanin ng supot ng mga tinapay. Sinubukan niya rin ang workout ngunit sumuko siya rito.

Hanggang sa binago ni Ariane ang porsyento ng kaniyang diet. Steamed vegetables ang kaniyang kinakain at 1/4 cup na lamang ng red rice. Bukod dito, natuto na rin siya ng calorie count.

Nilaan niya ang 80% sa kaniyang diet samantalang 20% naman sa kaniyang exercise kaya mula 200 lbs., 125 lbs., na lamang si Ariane ngayon. Panoorin ang kaniyang fitness journey. — Jamil Santos/MDM, GMA News