Ngayong summer, marami na naman ang magtutungo sa beach para mamasyal at mapaglamig. Upang maging ligtas sa pagtampisaw sa dagat, alamin kung ano ang tinatawag na "rip current," o ang agos na humahatak sa tao sa mas malalim na bahagi ng dagat.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, hinihinalang rip current  ang naging dahilan kaya nalunod sa isang beach sa San Fabian, Pangasinan, ang bagong senior high school graduate na si Arnold Jugo.

Ayon sa eksperto, ang rip current ay malakas ngunit makitid na agos ng tubig na palayo sa dalampasigan.

Nabubuo ang rip current kapag ang tubig na itinulak ng alon papunta sa pampang ay dumaloy sa mas malalim na bahagi o "channel" pagbalik nito sa karagatan.

Hindi umano ito madaling makita o mapapansin kaya talagang peligroso. Gayunman, mayroon daw itong mga palatandaan.

"Sa ilalim 'yan merong helical movement kasi 'pag 'yung agos papa-ganon (direksyon ng pampang) tapos dito sa side ay steady, so nagkakaroon ng resistance sa ilalim, nagkakaroon ng helical movement. It will produce small bubbles kasama 'yung mga dumi, debris galing sa shorelines," sabi ni Alfonsito Balo, National Field Representative, PRC Safety Services.

Sinasabing ang mga kadalasang nabibiktima ng rip current ay pinipilit na lumangoy pabalik ng dalampasigan sa pa-diretsong direksyon ng agos.

Pero dahil may malakas na hatak ang agos palayo mula sa pampang, sadyang mahirap makabalik ang tao hanggang sa mapagod at hindi na makayanang lumangoy.

Kung kaya mahalaga umano na maging kalmado kapag natangay ng rip current, at huwag labanan ang agos na nagtutulak sa iyo palayo.

Sa halip na padiretso pabalik,  dapat umanong lumangoy sa direksyon na parallel o kahilera ng pampang hanggang sa makakawala sa agos. Kapag nakaalis na rip curret, saka lumangoy nang papalihis at saka dumiretso papuntang pampang na walang rip current.

"Palangoy ka ng lateral sa shoreline kasi definitely doon sa side mababaw 'yun dito lang yung malalim," sabi pa ni Balo.

Kung hindi naman kayang makawala sa rip current, magpalutang-lutang muna at huwag ubusin ang lakas, at sumigaw para makahingi ng tulong.

Ang mga sasaklolo, hindi pinapayuhang lumangoy patungo sa rip current dahil malaki ang tiyansa na siya man ay tangayin ng malakas na agos.
Mas makabubuti umano na tumawag ng tulong mula sa life guard na mas nakakaalam sa kalagayan ng tubig at may sapat na gamit.

Mas epektibong masasagip ang taong natatangay ng rip current sa pamamagitan ng bangka o body board. -- FRJ, GMA News