Sa pagdiriwang ng ika-20 anibersaryo ng I-Witness, binalikan ng mga host nito ang mga hindi nila malilimutang istorya, kanilang mga natutunan, at ang kahalagahan ng mga dokumentaryong tumatalakay sa mga nangyayari sa ating lipunan.

Nagsimula ang I-Witness bilang konsepto ni GMA News and Public Affairs pillar Jessica Soho nang maisip niyang marami pang materyal na puwedeng gawing dokumentaryo o long format.

Magmula noon, marami ang nabago sa buhay ng GMA News and Public Affairs personalities na sina Mike Enriquez, Vicky Morales, Jay Taruc, Maki Pulido, Raffy Tima, Howie Severino, Kara David, Sandra Aguinaldo at Atom Araullo sa paggawa ng mga dokumentaryo.

“Ang isang nakakalungkot. Marami sa istorya ay ganoon pa rin ngayon. 'Yung ibang mga isyu at problema noon, mas malala pa ngayon. Ang mga programa katulad ng I-Witness dapat hindi itigil ang pagsasaliksik sa mga kaganapan,” sabi ni Mike.

“Relevant ang I-Witness show kasi makikita mo ‘yung dinocument 15 years ago, nangyayari pa rin. Marami pa rin akong nakikita na walang trabaho at hindi nakakain ng ilang araw. Marami pa rin walang trabaho. Itong mga social injustices kailangan maikuwento sa madla,” ayon kay Jay.

Para naman kay Howie, “Ang kagandahan sa matagal ng programa katulad ng I-Witness ay mayroon kang materyal para maipakita ang pagbabago sa mahabang panahon. We have all these material we could tap into to deepen our stories.”

"Hangga't nabubuhay tayo sa isang lipunan na maraming naghihirap. Napakalaki ng agwat sa pagitan ng meron at wala. Feeling ko dapat gagawin pa rin ng mga dokumentarista at mamamahayag kung ano ang nararapat para mailathala ang mga isyung ito,” sabi ni Jessica. —Jamil Santos/JST, GMA News