Magkapatid sa ama, kita ang pagmamahalan kina Matilde at Betty at sila pa ang laging magkalaro sa kanilang pagkabata. Pero dahil sa kakaibang trato ng kaniyang madrasta, nagdesisyon si Matilde na iwanan ang poder ng ama at magsarili, at mawalay na rin sa nakababatang kapatid. Matapos ang tatlong dekada, magkita pa kaya sila?

Sa programang "IJuander," sinabing maagang naulila sa ina ang 83-anyos na si Lola Matilde, kaya nanirahan siya kasama ang ama at stepmother sa Cavite.

Kalaunan, naging kapatid ni Matilde si Beatriz, na kaniyang naging kalaro sa patintero, habulan at taguan.

Labing apat na taong gulang si Matilde nang umalis sa poder ng ama dahil iba ang pakikitungo sa kaniya ng kaniyang madrasta, lalo kapag wala ang ama. Dahil dito, nahiwalay na rin siya kay Betty.

Mula nang mabiyuda, nasasabik si Lola Matilde na makitang muli ang kapatid na si Betty, at hiling pa niyang sana mangyari ito bago pa tuluyang mawala ang kaniyang memorya.

Halos 30 taon siyang walang balita kay Betty pero ang tangi niyang impormasyon, nasa Bataan ang kapatid.

Makita pa kaya ni Lola Matilde ang kapatid na si Lola Betty? Panoorin. — Jamil Santos/DVM, GMA News