Isang babae ang dumulog sa "Sumbungan ng Bayan" para humingi ng legal na payo matapos siyang lokohin umano ng isang lalaking nagpa-in love sa kaniya sa social media, na humingi ng pampuhunan sa negosyo pero hindi na ibinalik sa kaniya ang pera.

Ayon kay "Maricris" (hindi niya tunay na pangalan) umabot sa P168,000 ang perang kaniyang naibigay sa lalaking "online scammer" umano.

Dalawang buwan tumagal ang kanilang pag-uusap, hanggang sa alukin siya nito ng investment. Naglabas ng halos P50,000 si Maricris para sa mga baka at tricycle.

Nagbabalik pa ng kinita sa pautang ang lalaki noong una. Hanggang pagkalipas ng ilang buwan, may mga natanggap na messages si Maricris mula sa iba pang nilokong babae ng lalaki.

Minsan lang daw nagbigay ang suspek ng dibidendong P5,000.

Ayon kay Atty. Jhoel Raquedan, ito ay estafa, na panloloko ng tao sa kapwa para may makuhang mapakikinabangan.

Dagdag pa ni Atty. Raquedan, mas malakas o mapatitibay pa ang kaso laban sa lalaki kung may iba pang biktima ang magsasalita para makita ang parehong pattern ng panloloko umano ng lalaki.

Hindi rin aniya kailangan ng mga kasulatan para tuparin ng lalaki ang napagkasunduan dahil katibayan na ang mga resibo ni Maricris na natanggap ng lalaki ang pera. —Jamil Santos/LBG, GMA News