Namamga ang kaliwang bahagi ng mukha at halos lumuwa ang mata ni Ritchelle. Ang hinihinala niyang dahilan nito, ang contact lens na suot niya hanggang sa makatulog siya. Tama kaya ang hinala niya?
Sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Ritchelle, dating casino attendant sa Malaysia, naisipan niyang magsuot ng contact lenses para mas maging presentable sa kaniyang trabaho.
Nakabili siya ng contact lens na nagkakahalaga ng P4,000 na lagi niyang ginagamit sa loob ng ilang taon.
"Parang hindi na maganda tingnan na wala akong contact lens kaya always ko siya sinusuot," kuwento niya.
Pero isang araw dahil sa labis na puyat at pagod sa trabaho, nakalimutan niyang alisin ang contact lens nang matulog. At paggising, hindi niya ito makita.
"Naghanap talaga ako, wala talaga siya. Para akong napuwing. 'Pag gising ko, parang may sili 'yong mata ko," lahad niya.
Dito na raw nagsimulang mamula at sumakit ang kaniyang mata, hanggang sa pagkalipas ng ilang buwan, namaga na ang kaniyang mukha.
Upang malaman kung ano talaga ang dahilan ng pamamaga ng kaniyang mukha, sinamahan si Ritchelle na magpasuri sa espesyalista.
Panoorin ang video sa itaas at alamin ang resulta ng ginawang pagsusuri kung may kinalaman nga ang contact lens sa nangyari sa kaniya. --FRJ, GMA News
