PAALALA: Sensitibo ang paksa at ilang eksena sa video

Dahil sa matinding selos, kamuntik nang mamamatay ang isang call center agent na babae sa kamay ng kaniyang kinakasama. Ang magandang mukha ng biktimang si May, nais pang sirain ng suspek sa pamamagitan ng pagsaboy ng bagong kulong tubig.

Sa episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” inilahad ni May ang kalupitang dinanas niya kay Sandy, na kaniyang nakilala noong 2018.

Pareho raw silang hiwalay noon sa kani-kanilang kinakasama nang ligawan siya ni Sandy.

Pero ang inakalang mapagbigay at mapagmahal na si Sandy, nagbago raw ilang buwan pa lang nang nagsasama na sila.

“Sobrang sakal ko na,” saad ni May. “Lagi niya ko tinatadtad ng text. Bigla niyang sisilipin kung sino man iyong ka-chat. Parang may tendency itong tao na ito na manakit kasi sobrang seloso niya."

Plano na raw ni May na iwan si Sandy pero hindi niya nagawa dahil nabuntis siya.

Pinagdudahan din daw ni Sandy kung sino ang ama ng bata.

“Inutusan niya iyong nanay niya na ipa-DNA test iyong bata kasi hindi niya daw anak iyon," kuwento pa ni May.

Pero lumitaw sa DNA results na anak ni Sandy ang bata.

Sa kabila ng lahat, pinili ni May na manatili kay Sandy dahil nais niyang lumaki ang kaniyang anak na may ama.

Ngunit nitong Marso nang ipatupad na ang lockdown, mas lalong lumalala ang pananakit umano ni Sandy kay May.

At ang pinakamatindi, nangyari ngayong Setyembre na muntik nang ikamatay ni May nang ilang beses siyang saktan ni Sandy gamit ang patalim, at tinangka pang buhusan ng bagong kulong tubig sa mukha pero sa likod niya tumama.

Tunghayan sa video na ito ng "KMJS" ang trahediyang sinapit ni May sa lalaking kaniyang pinagkatiwalaan at minahal, at ano ang nangyari sa kaso. Panoorin.
--FRJ, GMA News