Ipinanganak na may maraming nunal sa kaniyang mukha at katawan, naging tampulan ng tukso at iniiwasan pa ng mga tao ang isang lalaki sa Bulacan. Ngunit dahil sa Tiktok, nadiskubre niya na may talento pala siya sa pagpapatawa.
Sa programang "Brigada," sinabing ipinanganak si Paulo Cagomoc ng Sapang Palay, na may congenital melanocytic nevus, isang inborn at bihirang sakit sa balat.
Dahil sa kaniyang kondisyon, nakaranas daw ng pambu-bully si Paulo noong bata siya.
"Iniintindi ko na lang sila kasi wala namang mapapala kung makikipagtalo ka pa," saad niya.
"Hirap po ako talaga, hindi ko masabi 'yung nararamdaman ko. Kasi siyempre sa kalagayan kong ganito, may magseseryoso pa bang babae sa katulad ko?," patuloy pa ni Paulo.
Pero nagbago raw ang lahat nang matuklasan ni Paulo ang Tiktok, at doon niya natuklasan ang itinatagong talento sa pagpapatawa.
Nag-viral pa siya dahil sa mga duet nila ng kaniyang ka-quaran-"fling" na si Jing, kung saan araw-araw din silang nagtatawagan at video call.
Ngunit ang kanilang pagmamabutihan, tila mauuwi pa yata sa wala. Tunghayan sa "Brigada" ang kuwento ni Paulo, at ano ang mensahe sa kaniya ng kaniyang idolo na si Sanya Lopez.
--FRJ, GMA News

