Nagpupuyos sa inis ang dalawang babae dahil sa pagcha-chat na may kasamang pang-aakit ng isang babae sa kani-kanilang ka-partner na lalaki. Ang babae na kanilang kinaiinisang-- si "Jamie" na walang takot na lumantad para linisin ang kaniyang pangalan.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing nagpapadala pa ng maselang larawan sa dalawang lalaki ang nagcha-chat na isang nagngangalang "Jamie."

Sa isang pagkakataon, ang mga partner ng dalawang lalaki ang may hawak ng kanilang mga cellphone kaya nakita nila ang mga mensahe at larawan na ipinapadala ni "Jamie."

Ngunit natuklasan na ang "Jamie" na nagcha-chat sa dalawang lalaki ay "poser" at hindi ang tunay na Jamie na nasa larawan.

Katunayan, lumantad ang tunay na Jamie para patunayan na wala siyang itinatago at gumawa siya ng hakbang para alamin kung sino ang kaniyang poser.

Hindi naman nabigo ang tunay na Jamie at natunton niya ang taong nagnanakaw ng kaniyang mga larawan at nagpapakilalang siya. Panoorin ang kanilang komprontasyon sa video na ito ng "KMJS."


--FRJ, GMA News