Ang taong nahihiyang magpakita sa Diyos ay umaaming siya ay makasalanan (Genesis: 3:1-10).
Naalala ko noong bata pa ako nang mabasag ko ang mamahaling flower vase ng aking Ina. Dahil sa sobrang takot ko sa kaniya, nagtago ako sa pinakasulok ng aming bahay.
Kahit tinatawag na niya ako ay hindi ako lumalabas sa aking pinagtataguan sapagkat takot na takot ako. At alam kong papaluin niya ako dahil sa nagawa kong kasalanan.
Sa ating Pagbasa mula sa Lumang Tipan (Genesis 3:1-10), matutunghayan natin kung papaanong nagtago sina Eba at Adan mula sa Panginoong Diyos matapos silang makagawa ng mabigat na kasalanan.
Takot na takot ang dalawa na magpakita sa Panginoon nang marinig nila ang yabag Nito na naglalakad sa halamanan. Sinuway kasi nila ang utos ng Panginoon na huwag na huwag nilang kakainin ang bunga ng punongkahoy.
Ang pagtatago sa taong nagawaan natin ng kasalanan ay hindi lang indikasyon na nahihiya tayong humarap sa kaniya kung hindi pag-amin na rin sa ating nagawang pagkakamali--sinasadya man natin o hindi.
Nagkakaroon tayo ng "guilt" o bagabag ng konsensiya dahil alam natin sa ating mga sarili na nakagawa tayo ng pagkakamali at para itong batong nakadagan sa ating dibdib.
Gayunman, kinalulugdan ng ating Panginoon ang taong umaamin sa kaniyang kasalanan at nagpapakumbabang humingi ng kapatawaran.
Samantalang kinamumuhian ng Diyos ang mga taong nagmamatigas at ayaw umamin sa kanilang mga kasalanan. Bagkos, binibigyan pa nila ng katuwiran na para bang napilitan lamang silang gawin ito bunsod ng personal na kadahilanan.
Tandaan lamang natin na ang isang kasalanan, ano pa man ang ating dahilan ay hindi natin maaaring gawin at kailanman ay hindi magiging tama sa mata ng Panginoong Diyos.
Kung susuriin natin ang ating Pagbasa, mapapansin na ang Diyablo na nasa anyong ahas ang lumapit kay Eba, at nag-udyok upang gumawa sila ng kasalanan. Kaya sa bawat kasalanan na ating gagawin, kaakibat niyan ang udyok ng Diyablo.
Sabi ng Diyablo kila Eba, "Hindi kayo mamamatay dahil nalalaman ng Diyos na kapag kinain niyo ang bunga ay madidilat ang inyong mga mata. At matutulad kayo sa Diyos na nakakaalam ng mabuti at masama."
Ganito naman talaga ang estilo ng panlilinlang ng demonyo sa katauhan ng tukso. Ang pangit ay ginagawa niyang maganda, ang itim ay pinalalabas na puti, at ang kadiliman ay pinagliliwanag niya para makapang-akit.
Hindi ba't sabi nga sa isang awitin: "Oh tukso! layuan mo ako."
Upang hindi madala sa tukso ng Diyablo, laging isapuso at isaisip ang mga pangaral ng Panginoon Diyos. Maging mapagpakumbaba sa pag-amin ng nagawang kasalanan at ihingi ito ng kapatawaran sa Kaniya.
Manalangin Tayo: Panginoon, turuan Mo po kaming maging mapagpakumbaba at umiwas sa kasalanan. At sa halip ay makapamuhay kami ng kalugod-lugod Sa'yo. AMEN.
--FRJ, GMA News

